Mga Karagdagang Tuntunin ng Serbisyo ng Google One

Magkakabisa sa: Nobyembre 9, 2021 |

Para magamit at ma-access ang Google One, ikaw man ang manager ng Google One plan, bahagi ka man ng grupo ng pamilyang gumagamit sa Google One, o isa ka mang user na hindi miyembro, dapat mong tanggapin (1) ang Mga Tuntunin ng Serbisyo ng Google, at (2) ang Mga Karagdagang Tuntunin ng Serbisyo na ito ng Google One (ang “Mga Karagdagang Tuntunin ng Google One”).

Pakibasa ang bawat isa sa mga dokumentong ito nang mabuti. Tinatawag ang mga dokumentong ito, kapag pinagsama, na “Mga Tuntunin.” Itinatakda ng mga ito ang maaasahan mo sa amin habang ginagamit mo ang aming mga serbisyo, at ang inaasahan namin sa iyo.

Maliban sa mga customer ng Google One sa France, kung salungat ang Mga Karagdagang Tuntuning ito ng Google One sa Mga Tuntunin ng Serbisyo ng Google, ang Mga Karagdagang Tuntuning ito ang sasaklaw sa Google One.

Bagama't hindi ito bahagi ng Mga Tuntuning ito, hinihikayat ka naming basahin ang aming Patakaran sa Privacy para mas maunawaan mo kung paano mo puwedeng i-update, pamahalaan, i-export, at i-delete ang iyong impormasyon.

1. Pangkalahatang Paglalarawan ng Google One

Ang Google One ay ginagawang available ng Google para makapagbigay sa iyo ng destinasyon para sa mga serbisyo ng at suporta sa Google, makapagbigay ng mga reward at alok, at makatuklas ng mga bagong feature at produkto. Posibleng kasama sa mga feature ng Google One ang mga may bayad na plan ng storage na nagagamit sa Google Drive, Google Photos, at Gmail, customer support para sa ilang partikular na produkto ng Google, feature para sa pagbabahagi sa pamilya, pag-back up at pag-restore sa mobile, at iba pang benepisyong ibinibigay sa iyo ng Google o sa pamamagitan ng mga third party. Ang iyong paggamit ng mga karagdagang produkto o serbisyo ng Google ay nasasaklawan ng mga tuntunin ng serbisyo na naaangkop sa mga nasabing produkto o serbisyo. Posibleng hindi sa lahat ng bansa available ang ilang produkto, feature, at benepisyo. Bisitahin ang Help Center ng Google One para sa higit pang impormasyon.

2. Mga May Bayad na Account - Pagbabayad, Subscription, at Mga Refund

Mga Pagbabayad. Mga manager lang ng Google One plan ang puwedeng bumili, mag-upgrade, mag-downgrade, o magkansela ng membership sa Google One. Tumatanggap ng bayad ang Google sa pamamagitan ng Google Payments account o iba pang paraan ng pagbabayad na nakasaad bago ang pagbili.

Mga pagkansela ng subscription. Awtomatikong kukunin ng Google Payments ang bayad sa petsa ng pag-sign up mo para sa isang membership sa Google One, at awtomatikong mare-renew ang iyong subscription sa Google One hangga't hindi ito kinakansela. Puwede kang magkansela anumang oras. Kung kakanselahin mo ang iyong subscription, maa-access mo pa rin ang Google One sa natitirang termino ng iyong kasalukuyang subscription. Kung pipiliin mo, bukod pa rito, na i-delete ang Google One sa pamamagitan ng pag-delete ng serbisyo, sumasang-ayon kang posibleng mawalan ka kaagad ng access sa mga serbisyo at functionality ng Google One, nang walang refund para sa natitirang termino ng iyong kasalukuyang subscription. Kung gusto mong mapanatili ang mga serbisyo ng Google One sa kabuuang termino ng iyong subscription, kanselahin ang subscription mo sa halip na i-delete ang Google One.

Karapatan sa Pag-withdraw. Kung ikaw ay nasa EU o UK, may karapatan kang magkansela sa loob ng 14 na araw matapos mong mag-sign up sa, o mag-upgrade o mag-renew ng iyong membership sa Google One nang hindi nagbibigay ng anumang dahilan. Para magamit ang iyong karapatan sa pag-withdraw, dapat mong ipaalam ang iyong pasyang mag-withdraw sa pamamagitan ng pagbibigay ng malinaw na pahayag sa provider na binilhan mo.

Mga Refund. Para sa mga karagdagang karapatan sa refund, sumangguni sa nauugnay na patakaran mula sa Google Play o provider na binilhan mo. Kung sa Google ka bumili, walang available na refund o hindi buong sinasakupang panahon ng pagsingil, maliban na lang kung iniaatas ito ng naaangkop na batas. Kung hindi ka sa Google bumili, gaya ng kung ginamit mo ang iyong iPhone o iPad, o nag-sign up ka para sa isang membership sa Google One sa pamamagitan ng App Store o iba pang third party na provider, ang patakaran sa refund ng provider ang mailalapat. Kakailanganin mong makipag-ugnayan sa third party (hal. suporta sa Apple) na iyon para humiling ng refund.

Mga pagbabago sa pagpepresyo. Puwede naming baguhin ang (mga) nakatakdang presyo ng Google One, pero aabisuhan ka namin bago ang mga pagbabagong ito. Mailalapat ang mga pagbabagong ito kapag nakumpleto na ang iyong kasalukuyang panahon ng pagbabayad, sa takdang petsa ng susunod na pagbabayad mo pagkatapos ng abiso. Bibigyan ka namin ng hindi bababa sa 30 araw na paunang abiso bago kami magtaas ng presyo bago ka namin singilin. Kung wala pang 30 araw ang maibibigay sa iyong paunang abiso, hindi mailalapat ang pagbabago hanggang sa pagbabayad pagkatapos ng takdang petsa ng susunod na pagbabayad. Kung ayaw mo nang magpatuloy sa Google One sa bagong presyo, puwede kang magkansela o mag-downgrade anumang oras mula sa iyong mga setting ng subscription sa Google Play, Apple, o third party. Mailalapat ang iyong pagkansela o pag-downgrade sa susunod na sinasakupang panahon ng pagsingil pagkatapos ng kasalukuyang termino ng serbisyo, maliban na lang kung iba ang nakasaad sa mga naaangkop na tuntunin ng platform ng pagbabayad. Kapag tumaas ang presyo at kinakailangan ng pahintulot, posibleng kanselahin ang iyong subscription, maliban na lang kung sasang-ayon ka sa bagong presyo. Kung makakansela ang iyong subscription at magpapasya kang mag-subscribe ulit sa ibang pagkakataon, sisingilin ka sa kasalukuyang rate ng subscription sa oras na iyon.

3. Customer Support

Binibigyan ka ng Google One ng access sa customer support sa ilang produkto at serbisyo ng Google ('Customer Support'). Kung sakaling hindi ka matulungan ng Customer Support sa iyong kahilingan sa suporta, puwede ka naming ilipat o i-redirect sa serbisyo sa customer support ng pinag-uusapang produkto ng Google. Kasama rito ang mga sitwasyon kung saan hindi nagbibigay ang Google One ng Customer Support para sa hinihiling na partikular na produkto o serbisyo ng Google. Kung makakansela o masususpinde ang subscription mo sa Google One, puwede ring masuspinde ang iyong mga hindi nalutas na isyu sa Customer Support at posibleng kailanganin mong magsumite ng bagong inquiry kapag naibalik mo na ang iyong subscription.

4. Mga Benepisyo ng Limitadong Miyembro

Puwede kang bigyan ng Google One ng mga may diskwento o libreng content, produkto, at serbisyo ('Mga Benepisyo ng Limitadong Miyembro'). Posibleng limitado ayon sa bansa, supply, tagal, tier ng membership, o iba pang salik ang Mga Benepisyo ng Limitadong Miyembro, at hindi lahat ng Benepisyo ng Limitadong Miyembro ay magiging available sa lahat ng subscriber ng Google One. Posibleng manager lang ng Google One plan ang makapag-redeem sa ilang Benepisyo ng Limitadong Miyembro, at posible namang ma-redeem ng mga miyembro ng iyong grupo ng pamilya o ng unang miyembro lang ng pamilya na mag-a-activate sa pag-redeem ang ilang Benepisyo ng Limitadong Miyembro. Ang ilang Benepisyo ng Limitadong Miyembro ay hindi mare-redeem ng mga Google Account para sa mga bata at teenager, at para sa mga user ng trial. Posible ring may mailapat na iba pang pamantayan sa pagiging kwalipikado.

Puwede kaming makipagtulungan sa mga third party para maibigay sa iyo ang kanilang mga serbisyo o content bilang Mga Benepisyo ng Limitadong Miyembro sa pamamagitan ng Google One. Para makapag-redeem ng Benepisyo ng Limitadong Miyembro na ibinibigay ng third party, kailangan mong kilalaning posibleng ibigay ng Google sa third party ang anumang personal na impormasyong kinakailangan para maproseso ang iyong pag-redeem, alinsunod sa Patakaran sa Privacy ng Google. Ang paggamit mo ng anumang third-party na Benepisyo ng Limitadong Miyembro ay posibleng nasasaklawan ng mga tuntunin ng paggamit, kasunduan sa lisensya, patakaran sa privacy, o iba pang kasunduan ng nasabing third party.

5. Mga Pamilya

Puwedeng ibahagi ang ilang partikular na feature ng Google One, kasama ang storage space sa Drive, Gmail, at Photos, sa iyong grupo ng pamilya kung mayroon ka nito ('Family Sharing'). Posible ring matanggap at ma-redeem ng iyong grupo ng pamilya ang Mga Benepisyo ng Limitadong Miyembro na ginagawang available sa iyo. Kung ayaw mong ibahagi ang mga nasabing feature sa iyong grupo ng pamilya, dapat mong i-disable ang Family Sharing para sa Google One o dapat kang umalis sa grupo ng pamilya mo. Mga manager ng Google One plan lang ang puwedeng magdagdag ng mga miyembro ng pamilya at mag-enable o mag-disable ng Family Sharing sa membership sa Google One.

Kung bahagi ka ng grupo ng pamilya sa Google One, makakakita ang mga miyembro ng grupo ng pamilya mo ng ilang partikular na impormasyon tungkol sa iyo. Kung sasali ka sa isang grupo ng pamilya na may naka-enable na Family Sharing sa Google One, posibleng makita ng iba pang miyembro ng, at ng mga inimbitahan sa, grupo ng pamilya ang iyong pangalan, larawan, email address, mga device na na-back up mo, at ang dami ng space na ginagamit mo sa Google Drive, Gmail, at Google Photos. Puwede ring makita ng mga miyembro ng grupo ng pamilya kung mayroon nang miyembro ng pamilya na nag-redeem ng Benepisyo ng Limitadong Miyembro.

Kung ikaw ang manager ng Google One plan sa iyong grupo ng pamilya at idi-disable mo ang Family Sharing o aalis ka sa iyong grupo ng pamilya, mawawalan ng access sa Google One ang iba pang miyembro ng grupo ng pamilya mo. Kung nabigyan ka ng manager ng iyong Google One plan ng access sa Google One sa pamamagitan ng Family Sharing, mawawalan ka ng access sa Google One kung aalis ka sa grupo ng pamilya mo, o kung idi-disable ng manager ng iyong Google One plan ang Family Sharing o kung aalis siya sa grupo ng pamilya.

6. Pag-back Up at Pag-restore sa Mobile

Puwede kang bigyan ng Google One ng pinahusay na functionality ng pag-back up at pag-restore ('Pag-back Up at Pag-restore') ng data para sa mga kwalipikadong mobile device at mobile plan. Posibleng kailanganing mag-install at mag-activate ng mga karagdagang app gaya ng Google Photos para magamit ang Pag-back Up at Pag-restore. Puwede mong baguhin ang iyong mga opsyon sa Pag-back Up at Pag-restore anumang oras sa Google One app. Kung masususpinde o makakansela ang iyong Membership sa Google One, posibleng mawalan ka ng access sa data na naka-save sa Pag-back Up at Pag-restore pagkalipas ng isang partikular na yugto ng panahon, alinsunod sa mga patakaran sa Pag-back Up ng Android.

7. Mga Naka-sponsor na Plan

Puwedeng ialok sa iyo ang Google One sa pamamagitan ng naka-sponsor na plan na ibinibigay ng nagso-sponsor na party na hindi Google, gaya ng operator ng network mo, iyong internet service provider, o iba pang third party ('Naka-sponsor na Plan' sa anumang kaso). Ang party na nagso-sponsor sa iyo ang tutukoy sa anumang available na feature o bayarin sa Mga Naka-sponsor na Plan, at dapat kang sumangguni sa kanilang mga tuntunin ng serbisyo para sa impormasyon tungkol sa impormasyon sa pagpepresyo ng Google One at mga tuntunin ng iyong Naka-sponsor na Plan. Posibleng ma-upgrade o ma-downgrade mo ang iyong Naka-sponsor na Plan sa pamamagitan ng party na nagso-sponsor sa iyo (kung saan mga tuntunin ng pagbabayad at subscription nila ang mailalapat sa pag-upgrade o pag-downgrade) o pagpili ng opsyon sa pag-upgrade o pag-downgrade mula mismo sa Google One (kung saan mga tuntunin ng pagbabayad at subscription dito ang mailalapat sa iyong pag-upgrade o pag-downgrade). Tutukuyin ng nagso-sponsor na party ang pagiging kwalipikado mo at ang iyong patuloy na pag-access sa Google One sa pamamagitan ng Naka-sponsor na Plan, at posibleng suspindihin o wakasan ng nagso-sponsor na party ang Naka-sponsor na Plan mo anumang oras.

8. Privacy

Kinokolekta at ginagamit ng Google ang impormasyong ibinibigay mo para maibigay sa iyo ang Google One gaya ng inilalarawan sa Mga Tuntuning ito, alinsunod sa Patakaran sa Privacy ng Google. Posibleng mangolekta at gumamit kami ng impormasyon tungkol sa paggamit mo ng Google One para maibigay ang mga serbisyo ng Google One, maproseso ang iyong mga transaksyon, o mapanatili at mapahusay ang Google One. Puwede rin kaming gumamit ng impormasyon tungkol sa paggamit mo ng iba pang serbisyo ng Google para mapahusay ang Google One, mabigyan ka ng mga benepisyo, o magawang i-market ang Google One. Puwede mong kontrolin ang pangongolekta at paggamit ng iyong aktibidad sa Google sa myaccount.google.com.

Posibleng magbahagi kami sa mga third party ng ilang partikular na impormasyon tungkol sa iyo kung kinakailangan para maibigay ang Google One, pati para malaman kung kwalipikado ka para sa, o para sa pag-redeem mo ng, mga third-party na Benepisyo ng Limitadong Miyembro o iyong pagiging kwalipikado sa isang Naka-sponsor na Plan o trial na membership. Posible rin kaming magbahagi ng impormasyon tungkol sa iyo sa grupo ng pamilya mo para makapagbigay ng impormasyon tungkol sa status at subscription ng iyong grupo ng pamilya sa Google One.

Kaugnay ng iyong paggamit ng Google One, puwede ka naming padalhan ng mga anunsyo ng serbisyo, pang-administrator na mensahe, at iba pang impormasyon. Posible ring padalhan ka namin ng mga email at notification sa device na nauugnay sa iyong Mga Benepisyo ng Limitadong Miyembro. Puwede kang mag-opt out sa ilan sa mga komunikasyong iyon.

9. Mga Pagbabago

Nakalaan sa amin ang karapatang gumawa ng mga pagbabago sa Google One, at posibleng baguhin ang Google One para magbigay ng higit pa o iba't ibang feature. Sumasang-ayon ka na ang iyong subscription sa Google One ay para sa Google One sa anyo nito nang mag-subscribe ka. Gaya ng nakasaad sa Seksyon 2 sa itaas, posible ring pana-panahon kaming mag-alok ng iba't ibang termino at tier para sa Google One, at puwedeng iba-iba ang maging bayad sa subscription sa mga nasabing termino o tier.

10. Pagwawakas

Posibleng ihinto ng Google ang pagbibigay sa iyo ng Google One anumang oras, kasama na ang dahil sa paglabag sa Mga Tuntuning ito. Kung ikaw ay nasa isang Naka-sponsor na Plan, posible ring suspindihin o wakasan ng party na nagso-sponsor sa iyo ang access mo sa Google One. Nakalaan sa Google ang karapatang suspindihin o wakasan ang Google One anumang oras nang may makatuwirang abiso sa iyo.